Ngayon ko lang naintindihan kung ba't nagsisisi ang tao. May mga pagkakataon kasing noong nakaraan ay may mga desisyon silang hindi maganda ang kinalabasan. Maaari ding kasi may mga pagkakataon tayong pinalampas. At sa mga susunod na araw ay iniisip natin kung ano kaya ang mangyayari kung hindi sana natin pinalampas ang pagkakataon. Pero wala na. Nasa huli na ang pagsisisi. Kahit sabihin na nating hindi tayo nagmamadali sa buhay, ang oras naman yung nagmamadali. Nauubos ang oras. Tumatanda tayo. Hindi ko alam kung tamad tayo kaya nagiging mabilis ang pagdaan ng oras o sadyang mabagal lang tayo kumilos. Pero minsan, hindi tayo ang may kasalanan kung bakit may mga bagay na hindi tayo nagagawa. Pwede nating sisihin ang mga tao sa paligid natin. Bakit? Isipin mo nalang. Kung hindi ka sana kinulong ng magulang mo sa bahay niyo noong bata ka pa, edi sana naranasan mong makipag kaibigan sa labas at tumakbo sa kalsada at gumala sa village niyo. May karapatan ka namang sisihin sila eh. Edi sana hindi ka nagsisisi ngayon. May mga magulang talagang masyado mahigpit kaya nagiging kaparehas nila mag-isip ang kanilang mga anak. Tapos pag naging magulang na yung mga anak nila, ganun din gagawin nila sa sarili nilang mga anak. Ang iniisip kasi nila, tama yun. Kasi ganun sila pinalaki eh. Sayang ang buhay.
Ngayon ay nagsisisi agad ako, wala pa nga ako sa kolehiyo eh. Ganun talaga pag iniisip ko kung ano ang pagsisisihan ko sa hinaharap. Nakakaiyak ang sitwasyon ko ngayon. Hindi naman sa literal pero parang ganun na rin yun. Gusto ko sigawan ang magulang ko. Gusto ko banggitin lahat ng oras na noong kinulong nila ako dito sa bahay, nagkaroon na sana ako ng maraming kaibigan sa kapitbahay. Natuto sana ako makipag-usap sa mundo. Pero parang huli na ang lahat. Kasi kahit sabihin ko pa sa kanila yon, wala na, nakaraan na eh. Ewan ko nalang kung sasabihin nilang "Di bale, anak. Next time nalang." Aba. Baka makasuntok ako ng tao sa bahay. Ang panahon ay hindi nababawi. Naaawa ako sa sarili ko. Nakakainis.
Siguro may mga tao talagang independent. Yung hindi madali maimpluwensyahan. Ang akala ko kasi, kung paano ako mag-isip, ganun din mag-isip ang ibang tao. Pero may mga tao pala talagang bobo na gaya gaya nalang. Mga nakiki-uso. Mga mahilig manghusga. Iba't iba pala talaga ang ugali ng tao. May mga taong pinanganak para sumikat. Meron din namang mga taong pinanganak nang madaldal. Tahimik. Mahiyain. Ganun tayo sa una. Noong bata pa tayo. Pero pag lumabas na tayo ng bahay, natututo na tayo. Hindi natin nararanasan ang nararanasan ng iba para matuto tayo sa kanila. Hindi porket tao tayo, kailangan na nating maranasan ang lahat. Isipin mo nalang, lahat ng sakit mapunta sayo. Matuwa ka pa kaya nun.
Siguro nga sa pagtanda natin, mas narerealize natin ang role natin sa buhay. Nalalaman natin kung ano ba ang dapat na ginawa natin noon. Nasa huli nga ang pagsisisi. Dahil nga matanda na tayo, marami na tayong naranasan at gusto nating balikan ang mga nangyari satin para lang alam natin ang gagawin sa sitwasyon noon. Pero wala na talaga. Dapat maisip nating ayos lang yon dahil hindi naman nabubuhay ang isang tao nang perpektong buhay. Ang nakaraan ay nakaraan. Maging handa nalang tayo sa hinaharap.
No comments:
Post a Comment