Tuesday, 16 September 2014

Tapon Tuition

Di ko alam kung anong mangyayare sakin pagkatapos ng post na to.

Sa college, "normal" na daw yung paraan ng pagtuturo kung saan magbibigay ng gagawin ang prof tapos bahala na ang estudyante aralin ito. Kung normal yon, kebs lang. May mga nakagraduate naman na dumaan sa ganung paraan ng pag-aaral. Pero kung ganon lang din at isa kang street-smart na marunong lumusot sa mga butas ng buhay, pwede kang wag nalang magenroll. Tapos kunin mo yung kung anong pinapagawa sa mga kaklase mo. Tapos aralin mo. Edi nakatipid ka. Ang problema lang, di malalaman ng ibang tao na naaral mo yun dahil hindi ka naman dumaan sa prof na bibigyan ka ng grado dahil sa nagawa mo. Pero bakit ka ba nag aaral? Para matuto diba? Kung matututo ka nalang at ikaw nalang din ang teacher mo, grade-an mo na rin ang sarili mo. Sobrang nakamura ka na diba.

Di ko alam kung may gagawa nung sinabi ko, kung meron man, goodluck sayo.

Para sakin, hindi laging epektibo yung ganoong paraan ng "pagtuturo/pag-aaral". May mga subject kasing hindi nadadaan sa sariling aral. Pag nirason mo yan, sasabihin nila mag-"research" ka. Edi mag research. Tapos magpapakahirap ka magresearch. Nagpupuyat ka pa at hindi pumasok sa klase dahil sa pesteng pina-research sayo. Bakit peste? E mali ka daw e. Mag research ka pero mali pala ginawa mo. Bakit? Kasi may tamang paraan naman pala. E tinuro niya(ni prof) ba? Di ko alam, baka di ka lang nakikinig. At idadahilan naman ay "dapat tinuro na nung highschool". Aba, yung ulam ko nga kahapon di ko na maalala e yung tinuro pa kaya sa high school? (Hindi ako tanga, sinasabi ko lang na di naman lahat ng tinuro sayo maaalala mo).

Isa pang problema don, bigay sila ng bigay tapos ang laki ng reklamo pag mali ang output. At ang output na yon, nirerecord na?! Oo! Parang sinabing magluto ka ng nilaga at naging sinigang ang ginawa mo dahil di ka marunong magluto at nakasalalay dun ang buhay mo. Kasi yung nilaga mong naging sinigang, yun na yun, wala ng bawian, ipapakain sayo tapos sasabihin "Nilaga ba yan?!" tapos ingungudngod sa mukha mo yung kapalpakan mo. Sa edad na nagmamarunong ka sa buhay, umuulan talaga ng mga taong handa kang ipahiya at hindi mo alam kung bakit nila ginagawa yun, parang sila hindi tao ah. Masaquette.

Hindi ko alam kung pinoproblema ko to dahil nanghihinayang ako sa pera. Okaya naiisip ko lang na sayang. Pero totoo naman, ang dami kayang sayang. Imbis na nagagamit mo yung binabayaran mo, parang bumibili ka ng mapanglait na being na hindi mo kaanoano at di naman nakakatulong sayo, parang alien. Alien na tao. Di naman problema maghirap eh, basta tama yung mararating mong dulo. Pag mali, malamang sa alamang, sayang. Hindi naman masyado problema magsayang ng oras at experience, pero kung pera ang pag-uusapan, mahirap na yan. Ganito na sa mundo. Pera ang daan sa hinaharap. Pera ang titirik pakaliwa o pakanan sa buhay mo. Congrats, isa kang mamamayan ng mundo.

Saturday, 6 September 2014

Pagbabalik

Matagal akong hindi nakapagsulat(malamang). Pero literal... na matagal... nag kung ang "pagsusulat ay tungkol sa mga makabuluhang(makabuluhan nga ba talaga) pinoproblema ko. Simula nung nagcollege ako, di ko inaasahan na ganun kabilis bumali-baliktad ang mundo. Minsan may gusto ko tapos aayawan mo. Di dahil sa ayaw mo na pero maiisip mong ayos lang pala yung bagay na ayaw mo. E bakit ganun? Ewan ko. Sadyang magulo ang mundo. Sa gantong edad dapat alam ko na yun. Pero dumarating yung panahon na kailangan kong maalala na magulo ang mundo. Walang tuwid na daan sa kahit saan. Palaging magulo. Parang ako.

Di ko alam kung ano pang mapupulot na aral sa mga sinusulat ko. Gusto ko lang talagang magsulat. Natigil ako kasi ang daming tutol sa kagustuhan ko. Edi nakakayamot. Pag may ginagawa ako tapos ayaw ng iba, titigil talaga ako, pero kokonsyensyahin ko muna siya. Hanggang sa tuloy tuloy na, tapos wala na. Pero dumarating naman yung araw na naalala ko kung ano ang gusto ko. Kung ano ba yung pangarap ko talaga. Yung second choice ko pero yun yung choice na kelan man hindi ko makukuha. Eh ganun talaga eh. Minsan di mo makukuha yung gusto mo, kasi daw may darating namang mas maganda pa sa gusto mo at talagang para sayo lamang yon.

Lahat ng tao may pangarap. Pero bakit nahihirapan sila makamit yung pangarap nila? Bakit ang daming tutol? E ano bang pake nila, di naman nila buhay yun. Edi gawin niya rin yung gusto niya. Wala naman sigurong may pangarap na sakupin ang mundo sa panahon ngayon, kasi buhay nga nila di nila mabigyan ng kulay, ang mundo pa kaya? Hindi sa pagiging positibo o ano, ngunit kung magiging realistic ka lang sa pangarap mo, bakit hindi? Ano bang pake ng iba, wala lang yan. May opinyon talaga yan kasi tao lang din yan parang ikaw. Pero pag nanghuhusga na sila, sila na mismo ang gumagawa ng pagitan sa inyong dalawa. Ngunit ang pagitan na yon ay imahinasyon lang naman, di ka naman didiretso sa impyerno kung mahulog ka dun, pero kung malakas talaga imagination mo, asahan mo nalang na aspalto ang sasalubong sa mukha mo. Syempre biro lang yun. Pero seryoso, pag may nangengealam, hayaan mo sila. Minsan nakakatulong naman e, kung hindi e hayaan mo na rin, di matikom ang bibig e, wag ka na humanap ng gulo at magsampal ng insonteng bibig na napunta sa madaldal na kaluluwa.

Ang mundo ay parang laruan sa timezone/worlds of fun na hulugan ng barya.. unfair(sorry yun lang naiisip kong unfair na laruan sa mga palaruan). Iilan na ang nagsabi na unfair naman to para sa lahat kaya fair din.. ang gulo no. Oo ganun kagulo. Tingin ko walang tama o mali sa mundo, tayo lang nag iisip neto. Tama yung bagay kasi ginagawa ng iba tapos wala namang nasasaktan, edi kebs lang. Mali naman kasi may naiistorbo o nayayamot o naiinggit okaya kasi hindi karaniwan yung ginagawa nung tao. Para san pa yun? Wala lang, para maayos ang buhay nating magulo. Para organisado. Pero siguro dahil dito rin kaya lalong nagugulo ang buhay nating lahat. Biruin mo yung tama sa iba ay mali naman sa iba, vice versa. Hay kaumay.

Kaya ikaw, kung gusto mong maayos ang buhay mo, ayusin mo ang pananaw mo sa sarili mo. Hayaan mo muna sila, ikaw muna. Kung studyante ka pa lang, okay lang na leche de loro ang buhay mo. Wala e, ganun talaga di pwedeng tuloy tuloy na kabutihan ang makukuha mo. Ang katangahan sa kabataan, napagbibigyan pa yan. Pero sa matanda? Madamot na ang mundo at dapat na maliit na lang ang pagkakamali. Pero siguro naman marami ka ng natutunan noon no? Araw araw talagang natututo kahit matanda, kung pananatiliin lang na bukas ang isipan. Tsaka na yan. Isipin mo muna ang ngayon. Tapos bukas. Unti unti lang. Para may marating ka kahit lumipas lang ang isang araw. Ganun talaga, ikaw na mismo ang kikilos. Para sayo din yan balang araw.

Friday, 28 March 2014

Walang Kwentang Opinyon

Alam kong nasa maling lugar ako. Kasi mali ang mga taong nakapaligid sakin. Mali kasi hindi ako komportable. At bakit ko ipipilit ang sarili ko sa lugar na hindi ako komportable. Minsan gusto kong umalis nalang. Kaso dahil may mga taong nakatingin sakin kaya hindi madali gawin. Takot kasi sila. Takot silang baka may gawin akong kakaiba. Baka kung san ko dalhin ang sarili ko. Pero ako wala akong pakealam. Pipiliin ko kung san ako masaya. Pipiliin ko kung san ako makakatulong, hindi yung papahirapan ko yung sarili ko na para lang magmukhang nakakatulong. Ayokong magpaka plastik. Tahimik ako sa harap mo kasi pwedeng ayaw kitang kausapin kasi mayabang ka. Kita ko naman sayong hindi ka marunong makinig e, sarili mo lang iniintindi mo. Pano ko alam kung di ko naman sinubukan? Eh ganyan ka naman lagi eh. Wala pa sa pangarap mo ang magbago. Hindi mo pa narerealize na may mali sa ginagawa mo. Hindi mo alam silbi mo sa ibang tao, ang alam mo lang ay ang sarili mo. Pero naiintindihan kita. Okay lang yan. Iba tayo ng pinanggalingan. Iba tayo ng pagkakaalam sa kung ano ang tama at mali. Pero kung hindi talaga tayo magkasundo, edi hindi. Makiramdam ka rin. Di ka compatible sa lahat.

Hindi ko alam ngunit sa lugar ko ngayon, kadalasang lalaki pa ang plastik. Sila pa mas maarte. Gusto nila, tropa tropa sila. Para may kapangyarihan sila, marami sila eh. Ang problema lang, gayahan nalang sila. Kung ano opinyon ng isa, susuporta nalang yung iba. Anong klaseng lalaki ka at hindi mo kaya tumayo sa sarili mong paa? Panindigan mo yung mga bagay na sinabi mo. Wag kang gaya gaya. Wag kang kumuha ng kapangyarihan mula sa ibang tao kasi pinapakita mo lang na mahina ka talaga. Ang pagkakaibigan din ay hindi pinipilit, wag ka nalang plastik at hanapin mo talaga yung mga taong makakasundo mo para hindi ka malunod sa sarili mong kasinungalingan at idadamay mo pa mga "kaibigan" mo. Wag ka rin masyadong mayabang at hindi ka laging tama. Hindi naman kailangang laging tama eh. Edi sana ikaw na perpektong tao sa mundo. Hindi na mahalaga yun. Wag mong isipin na kailangan kang tingalain at magpakitang gilas para pumogi ka, wala yun dun. Hindi kailangan ng pogi sa mundo. Siguro ngayon hindi mo na ko maintindihan pero eto lang yan. Lahat ng gagawin mo, wag mong sobrahan. Wag mong intensyuning magpakitang gilas para magmukhang kataas taas. Basta pag may intensyon ka, gawin mong puro. Wag ka ring paiba iba. Magpakatotoo ka. Yun na yun. Magpakatotoo ka.

Saturday, 18 January 2014

2013

Masyadong random ang mundo at hindi mo alam kung kailan babaliktad ang ikot nito. Yung dating akala mong mali, nagiging tama na sa nakikita mo. Magulo pero ayos lang. Nakakatuwa nga na unti-unting nakikita mo kung ano yung dating hindi mo pa nakikita. Ang buhay mo ay masyadong maliit kung isa kang batang pinalaking uwi agad galing school. Normal lang yun sa high school. Pero sa college iba na. Okay lang ma-culture shock. Pero hindi okay kapag hindi mo kayang tanggapin. Malaki talaga ang mundo. College ka na. Matanda ka na. Lakihan mo na rin pag-iisip mo. Dito na nag-uumpisa ang tunay na laro mo sa buhay.

May mga bagay na pag titignan mo, mukhang imposible pero isipin mo nalang, kung nagagawa ng iba, magagawa mo rin. Kahit ano pa yan. KAHIT ANO. Mula sa mabubuting bagay hanggang sa pinaka-baliw na bagay na magagawa ng isang tao. Minsan nga normal na yun para sa iba. Pero dahil nga pinalaki kang nakakulong sa bahay, magugulat ka talaga. Pero move on dapat agad. Tanggapin. I-absorb. Nandyan na yan at wala kang magagawa. Normal na yun. Tanggapin mo. Isampal mo pa sa utak mo, normal na yun.

Dati, hindi ko inisip yun. Akala ko hindi nangyayari. Maliit lamang ang mundo ko noon. Hindi naman sa sarado ang isip ko ngunit ayaw ko lang paniwalaan hangga't di ako nakakasigurado. Pero nagulat talaga ako noong nalaman kong ganito pala ang mundo. Wala ng nagpapaka-santo sa mundo, lalo na sa mundo ng kabataan. Masama siyang tignan pero hindi para sa akin. Normal lang no? Para sakin kasi, hindi masama ang isang bagay kung wala kang sinasaktang ibang tao sa ginagawa mo. Ano bang pakealam nila sa buhay mo? Wag na masyadong manghusga kasi ang tao ay mayroon talagang kalayaan. Dati takot ako sa kalayaan ay kinekwestyon ko pa kung bakit ganun ang ginagawa ng iba. Takot ako kasi naiiba ito sa pagkakaalam ko. Pero natapos lang ang isang sem, marami nang nagbago.

Ang buhay mo, hindi yan karaniwan. Wala kang kaparehang buhay. Ikaw lang ang nagdidikta sa buhay mo. Normal lang na may mga hindi ka alam. Normal lang na may mga bagay na pinandidirihan mo pero ayos lang sa iba. Normal lang na mag-mukha kang mangmang. Pero hindi ka dapat magalit. Tanggapin mo. Wag mong kwestyonin. I-appreciate mo. Normal lang na ang galaw ng ibang tao ay naiiba sayo. Pero wag mo siyang kagalitan dahil dun. Matuto ka. Tumanggap ka. Masaya matuto. Okay lang na hindi mo maintindihan sa una pero sana dumating yung panahon na matuto kang mag-explore sa ginagawa ng iba. Wag mo nalang limitahan yung pag-iisip mo pero limitahan mo pa rin yung pag-aksyon mo.

Hindi ko sinasabi kung pano ka mabuhay. Sinasabi ko lang ang naranasan ko. Ay ganyan akong natuto. Walang masama sa pag-YOLO. May mga bagay na kailangan mong subukan bago mo husgahan (syempre hindi naman lahat) pero alam mo yun, sayang kasi eh. Mabilis lang ang buhay. Wag masyadong seryoso. Wag magfocus sa isang bagay, kasi minsan kailangan mo talagang magtry ng magtry hanggang sa mahanap mo yung gusto mo. Mabilis lang talaga ang buhay at mas mahirap na kung late-bloomer ka din tulad ko, parang iisipin mong 'wow nagsayang ako ng ilang taon sa buhay ko'. Pero okay lang yun. Sulit ang paghahanap sa bagay na magiging masaya ka naman. Isa pa, ang pagkakataon. Pag nandun na, wag nang bitawan. Kunin na agad. Madamot ang mundo kaya wag ka na mahiya. Mahirap magsisi sa huli. Kung yung tipong sasabog na yung puso mo sa kaba, okay lang yun. Practice lang, mawawala din yon. Marami pa akong gustong sabihin, sa sobrang dami hindi ko na mapagsunod sunod. Pero ito lang yung mga bagay na mahalaga na natutunan ko noong nakaraang taon. Sa susunod nalang yung iba.

Thursday, 2 January 2014

Nung Gabing Iyon

Hindi mo alam. Hindi kasi kita kasama nun. HIndi naman kalayuan ngunit nung gabing yon, tila magkaiba ang mundong kinalalagyan natin. Ikaw pa ang unang nagtext sakin. Ganun naman lagi eh. Kakausapin lang ako pag may kailangan. Pag ako naman naunang magtext, busy ka lagi. Nakakahiya namang mang-istorbo. Ngunit nung gabing yon, hindi ka busy. Eh nasa labas ka e, pa-chill chill lang. Inom inom. Tapos ako naman yung busy. Di naman sobra pero may ginagawa ako nun. Ayos lang sakin. Mas gutso kong kausap ka kapag may ginagawa ako. Inspiration kumbaga. Pero di mo alam, di mo ramdam, wala lang sayo. Pero para sakin, malaking bagay na yon.

Hindi ko alam kung bakit pinili mo akong kausapin dahil nasa labas ka na nga at may mga kasama ka naman. Hindi ko na natanong. Masaya lang akong naisip mo rin pala ako nung mga oras na yun. Kinukwentuhan mo pa nga ako eh. Ang sarap sa pakiramdam. Parang kasama kita kahit hindi pa tayo nagkikita, parang magkatabi lang tayo. Gusto talaga kitang kausap. Parang dati pa tayo magkakilala kahit iilang linggo pa lang talaga. Pero walang piniling oras at panahon ang pagbuo ng nararamdaman ko sayo. Hindi naman sa gusto kitang pakasalan o ligawan pero ang alam ko, ikaw yung kaibigang hinahanap ko.

Nung gabing yon, di ko alam kung pano mo nagagawang magkwento sakin habang may mga kasama ka. Syempre nakakahiya rin lalabas ka pero tinetext mo lang din ako. Hindi ko rin alam kung dahil lang naka-inom ka kaya gusto mo pa rin akong kwentuhan. Nagsimula akong mag-alala sayo. Natatakot ako para sayo. Kahit hindi dapat, ganun yung nararamdaman ko. Masakit isipin na wala ako sa tabi mo kung kailan mo ako kailangan. Pero di mo naman talaga ako kailangan. Akala ko lang yun. Hindi ko alam kung bakit masakit para sakin. Sorry na, tanga eh.

Lumala pa ang sitwasyon, hindi ko na mabanggit. Yung pag-aalala ko, dumating na sa puntong gusto kitang puntahan at patulugin. Yung sitwasyon mo kasi, tipong nasa kaguluhan ka na parang hindi mo pa alam kung anong nangyayari. Siguro sobra lang akong mag-alala. Tipong gusto lang kitang samahan pauwi. Tapos papatulugin, babantayan ka. Pero mali pala. Hindi pala dapat ganun. Dapat hinayaan na kita. Dapat hindi na ako nag-alala. Dapat di na kita inisip. Dapat wala nalang akong naramdaman.

Kasi yung iniisip ko hindi pala totoo. Ako yung umasa pero ako lang pala nagpaasa sa sarili ko. Yung akala kong ikaw, hindi pala para sakin. Medyo tanga lang. Akala ko pinapasok mo ko sa buhay mo kasi ganon ako kahalaga, hindi pala. Pero bahala na. Alam ko na rin yung totoo. Ayos lang din sakin. Natanga lang talaga ako. Nagkamali. Isang malaking pagkakamali.

Ngayon ayos naman. Natutunan ko na. Di ko alam kung bakit di na tayo masyadong nag-uusap. Alam kong busy tayo pareho. Ayos lang. Hindi na ako magmamadali. Maghihintay nalang ako. Okay na yung nasa radar mo ako. Masaya na ako para sayo. Ayos na rin yung ganto. Pampakalma ng nagulo kong damdamin. Lilipas din to. Hindi ko alam kung bakit natripan kong isulat to dito alam ko namang hindi mo mababasa. Wala lang akong makausap tungkol dito. Kung mababasa mo man, hi sayo. Magkaibigan nga tayo. Masaya ako pag nakakausap ka. Wala lang oras ngayon. Hinihiling ko lang na balang araw maalala mo ulit ako kagaya nung gabing yon. Kahit ano pang pagusapan natin ayos lang. Nung nakilala kita, naghahanap ako ng kaibigan. Buti dumating ka, masaya ako. Patawad kung naging masyado akong mabilis pero okay na ngayon. Gusto na kita makausap ulit.

Saturday, 23 November 2013

Isang Sulat Para Sa Kaklase Kong Ungas

Kung hindi naman nakakatulong yung lumalabas sa bibig mo, wag ka nalang magsalita. Hindi yung kung anu-anong ka-OA-an at ka-immature-an yung ginagawa/sinasabi mo. College ka na. Dapat alam mo kung kailan magsalita, kung ano ang tama tsaka mali. Hindi kasi nakakatuwa na dina-down mo yung iba. Nakakataas ba yun ng sarili mo? Pantay pantay lang naman tayo ah. Di sayo umiikot ang mundo. Matuto ka naman rumespeto. At pag nirerespeto ka na, wag mo naman abusuhin. Wag ka magpabida kasi di naman nakakatulong. Lumalaki pa ulo mo. Tsaka maging considerate ka naman sa iba. Meron lang silang hindi nagawa, kasalanan na nila? Bawal ba magkaroon ng dahilan? Buhay mo ba yung buhay nila? Maging sensitive ka naman. Nakakahiya naman sa magulang mo, pinapakita mong ganyan ka nila pinalaki. Isipin mo muna yung mga taong nasa paligid mo bago ka kumilos ah? Ayos mukha din pag may time.

Monday, 21 October 2013

Huli na?

Sabihin nalang nating matanda ka na. May mga anak kung gusto mo. Okaya partner lang, di niyo trip mag-anak. Okaya ikaw lang mag-isa. Kung san ka masaya. Matanda ka na. Pero huli na ba?

Sa pagko-commute ko, marami na kong nakitang ugali ng matatanda. May mga walang pakealam na tahimik lang, di na nagpapaapekto sa mundo. Meron namang maaalahanin at pag tinignan mo sa mata, may pag-asa pa sila. Meron din yung tahimik lang pero magugulat ka nalang, magpaparinig. Napaka-bitter. Nabubuhay nalang sila para mamatay.

Yan ang nakakapagtaka sa mga matatanda sa panahon ngayon eh. Di naman sa pagiging masama pero parang ayaw nila mag-adapt sa panahon ngayon. Ginagamit pa nila yung katandaan nila para humingi ng respeto. Para tingalain sila. Hunghang. Di porket matanda ka na, lagi kang susundan. Lagi kang aalalayan. Lagi kang nirerespeto. Hindi automatic yung ayaw kang paupuin tapos magpaparinig ka pa. Hindi lahat ng bata masaya. Karamihan sa mga kabataan ngayon ay may problema, lalo na sa school. Napapagod din ang bata. Pwede mo naman silang pagsabihan eh. Ts nung naka-alis na, magpaparinig ka pa ts ipapahiya mo pa siya kung wala na siya. Imbis na tinulungan mo siyang makatulong, pinagmukha mo na siyang masama, pinagmukha mo na rin ang sarili mong masama. Sa huli umuwi ang lahat na hindi masaya.

May mga matanda namang masipag. Masiyahin pa rin. Nakakagulat pa at marunong magpakumbaba. Marunong tumanggap ng pagkakamali. Ang sarap kumausap ng taong ganun diba? Pero sa totoo lang, wala pa kong nakikitang taong ganun. Nakakalungkot. Baka di tumatagal ang mga taong ganun. Sayang.

Pero seryoso, may mga matatanda kasing ayaw na tumanggap ng pagkakamali. Di na marunong makinig sa iba. Huli na? Siguro. Naiintindihan ko namang ganun na sila lumaki eh pero hindi naman huli na para sa kanila na matuto. Nakakaasar lang kasing isipin na sila yung mga matatanda, dapat sila yung role model. Pero hindi eh, kung ako yung susungitan nila, syempre hindi ako matutuwa sa ugali nila, hindi ko sila gagayahin. Parang tinutulungan lang nila sarili nilang kamuhian ng mundo eh, nakakalungkot lang talaga.

Siguro sa dami ng problema kaya sila nagkakaganun. Pero parepareho lang naman lahat ng taong may problema eh. Nasa ugali mo naman yun kung pano mo sila haharapin. Patas ang mundo. Nagmumukha lang hindi patas kasi hindi tayo pareparehas mag-isip. Talagang wala sa edad ang pagiging mature, nasa pag-iisip na ng tao yan. At hanggang buhay ka pa, hindi pa huli ang lahat. Kaya mo yan.