Monday, 29 April 2013

Ewan ko

May mga taong hindi ganun kabilis matuto. 'Slow jam' tawag ng tutor ko sa kanila. Napansin ko nga. Kasi pag may kilala kang mabilis matuto, mapapansin mo na rin yung mga mabagal matuto. Minsan nagsisimula yan sayo. Kung puro ka tanong at wala kang maintindihan pag may nagtuturo sayo, ikaw ay isang magandang halimbawa ng isang taong hindi ganun kabilis matuto.

Marahil sa iba hindi big deal kung mabagal o mabilis matuto. Sakin oo. Sa ugaling yan marerelate mo na yung ugali ng isang tao kadalasan. May mga taong madali kausap, may mga taong kakausapin mo, di naman makikinig tapos uunahan ka pa ng kwento niya. Pag may kaharap kang ganun, alis ka na. Di mo siya kailangan.

Yung mga taong mabilis matuto, oo lang nang oo. Madali yan kausap. Kwentuhan mo, maiintindihan niya. Tignan mo lang sa mga action niya kung interesado siya. Minsan kasi oo lang siya ng oo pero wala siyang oras makipag-usap. Gusto niyang makinig pero wala nga siyang oras. Timingan mo nalang din pagkwento mo.

Magtatrabaho muna ang mabilis matuto bago magtanong. Alam na niya yung gagawin eh. Pag nagkamali, tsaka siya magtatanong. Sa lahat ng bagay yan. Kunwari nawawala yung gamit niya, maghahanap muna yan bago manisi ng iba. Yung iba kasi talak nalang nang talak inuuna yung bibig kesa sa mata. Nakakayamot.

Sa mga slow jam naman, ayun nga, sila yung puro salita muna. Wala na silang panahon mag-isip eh. Puro reklamo agad, wala pa ngang ginagawa. Pinangungunahan ng takot pag may bagong gagawin. Hindi naman kasi sila interesado, kadalasang napilitan lang sila. Sila yung nagrereklamo pag nag-aaral. Gagawin ang lahat para maka-iwas mag-aral. Sa classroom, sila yung kadalasang napapagalitan na madaldal. Puro walang kinalaman sa topic yung sasabihin. Hindi talaga interesado. Lumayo ka sa mga taong ganyan kung ayaw mong mapahamak. Kung gusto mo bahala ka, hindi kasi ikaw nagpapa-aral sa sarili mo eh, yung magulang mo. Kawawa naman sila nagtatrabaho tapos mahal yung tuition mo tapos ikaw nagsasayang ka lang ng oras imbis na may matutunan ka. Nakakahiya.

Sila din yung kadalasang insensitibo. Nakakainis eh kaya galit na galit ako sa kanila. Mayayabang, mataas ang tingin sa sarili, lumalaki ang ulo pag pinupuri kaya hindi na tumitigil. Pag kinausap mo sila, tatagal yan, gusto nilang pinapansin sila eh. Magdadrama para may maawa. Sayang oras mo diyan. Sayang din ang space sa mundo.

Friday, 19 April 2013

Love Life

Maraming buhay ang nasisira dahil sa love life. Minsan nga kahit simpleng crush lang. Naiinis ako. Ang daming pwedeng problemahin ng isang bata pero bakit pati love life kailangan niyang problemahin. Halos lahat na yata ng tao sa mundo nadali niyan. Mahirap kapag bata ka palang yan ang naging problema mo. Pagtanda mo, sobra mong pagsisisihan. Iisipin mo kung gano ka ka-immature dati.

Pero may mga taong hindi natututo. May mga batang naka-ilang ex na wala pa ring natututunan. Akala nila ganon lang kasimple yon. Pag nakipagbreak, hanap agad. Parang nakasalalay sa love life ang buhay niya eh. Kating kati. Nakakainis. Ang sagwa tignan ng mga malalandi. Di ko alam kung bakit pero inuulit ulit pa rin nila ang mga pagkakamali nila. Nakakayamot.

Bakit nga ba kailangang may label ka sa buhay ng iba. "Ah eto ex ni ano." "Ay iyan, naging syota ni ano" "Eto si ano, naging sila ni ganto" Tangina nalang. Gusto mo bang marami kang pangalan? Wala akong pakealam kung wala kang pakealam. Sinasabi ko lang na sana may natututunan ka sa mga ginagawa mo. Pero halatang wala eh. Kasi inuulit ulit mo pa rin. Tanga ka ba talaga?

Dahil sa pamumuhay ng tao, malalaman mo kung pano siya natuto. Gawin nalang nating halimbawa ang mahihirap. Yung mga tumandang walang trabaho. Ibig sabihin nun, di siya nakapag-aral. Masakit. Wala siyang natutunan. Pero mas masakit ang sitwasyon na yung mga nabibigyan ng pagkakataon matuto, pinapalampas lang nila ang pagkakataon. Porket kasi may pera na sila, solb na sila sa buhay eh. Pero balang araw, matututo din sila diyan.

Kung mapapansin mo, mahalaga sakin ang pag-aaral. Mahalaga sakin pag may natututo. Hindi kasi tamang may nagsasalita para sayo tapos wala ka namang matututunan. Kaya ako hindi ako mahilig magsalita eh. Kasi alam ko yung ibang tao walang pakealam. Di nakikinig. Gusto nila sila palagi yung pinakikinggan. Kaya pinipili kong magsulat nalang. Kasi di naman to pwersahan eh. Kung gusto mong magbasa edi ipagpatuloy mo. Kung tingin mong wala kang mapapala edi umalis ka na. Wala akong pakealam sayo.

Kaya balik tayo sa love life. Ngayon, kung nag-aaral ka, hindi requirement ang love life para makagraduate. Ikaw bahala kung kaya mo pagsabayin. Pero may mga bagay na nasa tamang oras at tamang lugar ginagawa. Hindi pasyalan ng mga mag-iirog ang skwelahan. Respeto nalang sa lugar. Wala talagang problema sakin yung may syota ka ts nagkataon lang na parehas kayo ng school kaya lagi kayong magkasama. Pero kung nasa public place kayo, alalahanin niyo nalang na may mga nakakakita sainyo. Mag-ingat nalang kayo sa mga aksyon niyo.

May mga tao talagang immature, naiintindihan ko yun. Malamang dahil hindi pa sila natututo. Sabi nga nila mas madali matuto pag naexperience mo na. Kaya kung may gusto kang matutunan, edi gawin mo. Nasa huli ang pagsisisi. At sana pag may ginagawa ka, sana nga may natututunan ka. Madali lang magkamali at madali ding matuto sa pagkakamali. Kaya ka nga nagkakamali para alam mo yung mga dapat na hindi mo ginagawa eh. Kung ikaw yung taong nakailang ulit na ts wala pa ring natututunan, good luck nalang sayo. Bahala ka sa buhay mo, nasa huli ang pagsisisi.

Wednesday, 17 April 2013

Paninindigan

May mga taong hindi mo maintindihan yung paniniwala. Kung anu-ano pinagsasabi. Alam nilang tama sila. Pag-iisip nila yun eh. Pero pano nila nalaman yung paniniwalang yun? May patunay ba sila? May nagsasabi sa kanila kaya lang sila naniwala? Na-uto lang ba sila?

May mga tao ding pabago bago ng isip. Hindi tuwid ang pag-iisip. Minsan ganto ts magiging ganyan. Di mo alam kung anong tunay na kulay. Minsan sasabihin niya ayaw niya ts mamaya gusto na pala. Bakit ang gulo? Bakit nga ba may mga taong ganun? Bakit di nila kaya panindigan yung sinasabi nila?

May mga tao kasing salita nang salita, di na nag-iisip. Tapos yung iba, gumagaya nalang sa opinyon ng iba. Kasi di naman nila alam yung nangyayari, eh gustong makisali kaya nakikisang-ayon nalang sila sa mga sinasabi ng iba. Pero bakit di nalang sila magkaroon ng sariling opinyon? Bakit takot silang husgahan sila ng iba? Bakit kasi may mga taong napakayabang kaya hindi na sila nakikinig sa opinyon ng iba

Minsan magulo rin ako. Lalo na pag nadadala nalang ng sitwasyon at wala ng oras para mag-isip. Pero madalas kasing wala akong kausap, lalo na ngayon kaya marami akong oras para mag-isip. Kaya minsan hindi sanay ang utak ko na mag-isip pag may kausap na iba. Nakasanayan na eh.

Paninindigan. Para sakin, mas napaninidigan ko mga sinasabi ko kesa sa mga ginagawa ko. Eh ganun talaga eh, wala na akong magagawa. Kaya malaking bagay sakin pag may mga taong hindi napaninindigan yung mga sinasabi nila. Nakakasama ng loob ng ibang tao yung pag let down mo sa kanila eh. Kaya maraming umaasa sa mundo eh, kasi may nagpapaasa.

Karamihan sa mga taong kilala kong hindi kaya panindigan ang mga sinasabi ay mga lalaki. Di dahil sa karamihan ng kilala ko ay lalaki pero napapansin ko rin naman eh. Kaya nga karamihan sa mga lalaki nambobola. Ang mga babae kasi, sabihan mo lang ng kahit anong maliit na bagay, maniniwala agad. Kaya naman natuto nang i-take advantage ng mga lalaki ang gantong sitwasyon sa mga babae.

Masakit isiping nakakasakit ka ng ibang tao. Kung di ka nakokonsyensya, eh tinubuan ka na ng sungay, di mo lang napansin. Pag may sinabi ka, panindigan mo. Touch move. Lalaki ka eh. Marangal maging loyal at pag ginagawa mo talaga yung sinabi mo. Para di ka kabilang sa mga lalaking karaniwan na sinasabihan ng "manloloko."

Tuesday, 16 April 2013

Dalaw

Kung may monthly visit ang mga babae, meron din ang bahay namin. Monthly visit ng mga ipis.

Wala akong ginagayang author na may artikulo tungkol dito na mababasa sa itim na libro. Totoo kasi ang sinasabi ko. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagpapapansin ang mga ipis buwan buwan. Kung agresibo sila, may dalawa o tatlong nilalang ng demonyo ang dumadalaw samin sa isang linggo.

Para silang tao minsan eh. Lumilitaw kung kelan di mo inaasahan. Maaaring alam nilang hindi natin sila gusto pero pinipilit nilang maging parte ng buhay natin. Hindi mo naman sila hinihingi pero kusa silang dumarating. Pero may mga taong natatakot. Hindi nila alam ang gagawin. Takot silang masaktan at takot silang manakit. Kahit wala pa nga, ayaw na agad nila. Di pa nasusubukan, suko agad. Yan tayo eh.

Bakit nga ba may mga taong ayaw bumitaw sa nakasanayan? Mas maganda ba kapag playing safe tayo sa buhay? Mas mainam na nga ba kung dun tayo sa palaging sigurado? Eh pano tayo matututo? Pano tayo magkakaroon ng kaibigan kung hindi tayo kumakausap ng mga taong hindi natin kilala? Pano tayo makakadiskubre ng mga bagay na hindi pa natin alam?

Siguro ngang walang "tama" sa mundo. Walang tamang paraan ng pamumuhay. Walang tamang paraan ng pag-iisip. Walang tamang paraan sa lahat ng bagay na ginagawa natin. Siguro nga. Kasi kung mayroong tama, mayroon ding mali. At may mga bagay na sa paningin natin tama, mali sa ibang tao. Kung ganon, magkakaroon lang ng gulo. Wala naman kasing paniniwalang tama dahil paniniwala nga lang yon. Hindi naman porket naka-taga sa bato, paniniwalaan agad natin. May mga bagay talagang kailangan ng matibay na patunay para tayo ay maniwala at matuto. Nakakatawa nga lang na pag nag-aaral tayo, ang nakasulat na sa libro ay hindi pa tayo interesadong matuto at maniwala.

Balik tayo sa sitwasyon ko ngayon, may ipis sa kwarto, nakapatay ang ilaw. Bawas na ang lakas ng ipis pero hindi ko alam kung kaya niya pang lumipad o lumakad. Sana tamad din ang ipis at nahihirapan ngayon, tulad ng mga taong hindi interesado matuto. At sana sa pagbisita niya, bisita lamang ang gawin niya, hindi yung magiging bahagi na siya ng buhay ko ngayong hanggang sa katapusan. Sana'y maging ala-ala na lamang siya makalipas ang ilang oras o araw. Ang tapang mong ipis ka kahit galit ako sayo, wag kang mag-alala inaalay ko sayo itong post na to.

Di ako magaling gumawa ng title

Karamihan nga sa mga tao ngayon, overweight na. Obese. Hindi ako nang-aasar. Sinasabi ko lang kung ano nakikita ko. Pero hindi lang yan ang masama. Hindi na nga sila nag-eehersisyo, ang tamad pa nila. Yung tila wala man lang lakas ng loob para kumilos man lang. Umaasa na sila sa ibang tao para mabuhay. Ayoko sa mga taong laging umaasa para mabuhay. Edi sana hindi nalang nabuhay yung ibang tao kung paglilingkuran nila.

Katamaran na ang uso ngayon. Dahil sa wifi. Dahil sa cellphone. Maglalakad lang papunta sa tindahan para bumili ng tsitsirya, kailangan dala pa ang cellphone dahil sa syota. Lecheng syota yan bibili ka na nga lang ng pagkain kailangan pang kausap ka. Pero di nga, sa lahat nalang ng gagawin mo, kailangang may tinetext ka pa? Kaya wala kang natatapos eh. Mamaya makakalimutan mo na yung ginagawa mo. Ts tatamarin ka na. Wala na, sayang ang oras, sayang ang buhay.

Pero may mga tao ring hindi kumakain pero di sila pumapayat. Kawawa naman. Sinasabi nilang "Di ako kakain para papayat na ako." Kung ganyan ka, pwede ba, wala yan sa kinakain. Nasa ginagawa mo yan. Kung sadyang tamad ka walang ikagaganda yang katawan mo. Di lang naman kasi ako concerned sa ikalulusog mo, iniisip ko lang yung nasayang na pagkaing hinanda para sayo ng magulang mo.

Alam mo, sa panahon ngayon, mahirap pag nagsasayang. Ang dami ng mahal na bilihin. Tapos ikaw kung anu-ano pa pinapabili mo. Hindi lang yon, sayang kasi yung pagtatrabaho, paghihirap na dinadaanan ng mga taong hinihingan mo. Kaya saludo ako sa mga taong naghihirap para makuha yung gusto nila, kesa dun sa mga walang ginagawa sa buhay pero nakukuha rin nila yung gusto nila. Mali kasi talaga eh.

Monday, 15 April 2013

Bakit Hindi Dapat Ma-Drama ang Graduation

Unang araw pa lang ng pagiging fourth year high school, kahit di ko pa masyado kilala ang mga katabi ko, naisip ko nang hindi magiging madrama ang graduation. Nung fourth year ko lang talaga narealize yan, di ko kasi masyado iniisip dati. Pero dahil may ibang nagdadrama na "Hala fourth year na tayo" "Hala di na ako high school" "Hala ang tanda ko na". Dahil diyan, narealize kong tama sila. Pero hindi tama ang magdrama.

Sa panahon ngayon, di na uso ang mamiss ang mga taong ka-edad natin. May facebook at twitter para diyan. Para sakin, mas mahalaga ang pamilya ko kaysa kaibigan. Siguro nga naiinis ako minsan sa pamilya ko pero wala naman akong magagawa eh, tsaka automatic na nandiyan sila. Kaysa pag sa kaibigan ka umaasa, di naman sila permanente sa buhay mo, iiwan at iiwan ka rin nila.

Baliktad kasi sa pamilya, patanda ka nang patanda, tsaka mo sila iiwan. Ang mga kaibigan naman ay nandiyan sila sa punto ng buhay mo pero aalis din yan. Di pwedeng kayo kayo ang magkakasama hanggang sa mamatay kayo. Kaya wag kang mag-alalang di mo pa sila makikita, di mo naman talaga sila kaano-ano eh. Kausapin mo sa facebook, i-tweet mo sa twitter. Madali lang.

Siguro di madrama ang graduation sakin kasi lalaki kaming lahat. Pero syempre, may mga umiyak din. Para sakin, balewala talaga yon. Karamihan samin, tatambay sa school namin ngayong bakasyon para maglaro. Sabi kong di ko talaga mamimiss ang high school kase alam kong babalik din ako matapos ang ilang linggo. Ayan na nga. Tapos nakikita ko rin yung mga taong nagsi-iyakan. Ano ba naman yan.

Siguro nasasabi ko lang to dahil di talaga ako yung taong mahilig sa drama. Pag may naiisip ka, edi isipin mo. Isipin mo rin kung sulit ba itong ipamahagi sa iba. Di yung magpopost ka sa facebook mong nalulungkot ka. Kung gusto mo ng tulong, lumapit ka dun sa mga taong alam mong makakatulong sayo. Wag ka na magparinig, di ka pinanganak para maging epal.

At kung may namimiss ka ngayon, kausapin mo. Itext mo. Ichat mo. I-tweet mo. Ikaw bahala. Hindi naman bawal yan eh. Sabihin mo lang kung anong nararamdaman mo. Wala namang mawawala sayo, diba?

Wednesday, 10 April 2013

Ang alam ng lalaki sa babae

Sa mata ng lalaki, ayos ka na kung maganda ka. Mapunta ka man sa ibang planeta eh pag may makakita sayo hangga't maganda ka, wala problema diyan. Ang second level naman, dapat maayos. Yung marunong gumalang, mahinhin, at kampante lang. May mga babae ring maayos naman pero marunong din magpatawa. Ayos yon, pinapakita mong confident ka. Wag lang yung nagpapatawa ka eh yung tawa mo naman mas malakas pa sa lalaki, uso mahiya. Kung mababa ang tingin mo sa sarili mong itsura at masyado kang mahiyain, medyo mahiraphirap na yan. Dapat alam mo kung san ka magaling. Hindi pwedeng wala kang alam sa mundo. Mas maganda ang babae pag maraming alam. Turn on yun.

Medyo magulo yata ako kaya lilinawin ko. Sa first level, eto yung mga oras na unang kita pa lang sayo sa mga lalaki. Syempre dahil tao ka at tao tayo lahat, maghuhusgahan tayo. At bilang lalaki, sa unang level pag nakita ka nila dapat maayos ka. Bale ang first level = appearance. Kaya wag ka na magtaka kung bakit sa unang araw ng klase at may nagkakagusto na sayo, ibig sabihin maganda ka. Magandang balita yon, yung simpleng alam mong may nagkakagusto sayo, pero wag lang sa masamang paraan.

Sa first level din, kung tingin mo sa sarili mong hindi ka ganoon ka ganda, kahit sa pananamit lang dapat marunong ka. Tsaka dapat naaayon kung nasan ka. Hindi yung puro magagandang damit susuptin mo pero palengke lang naman pala pupuntahan mo. Hindi rin ganoon nakakatuwa kapag nagsusuot ka ng masyadong revealing na damit. Nakakairita. Wag kang manubok ng lalaki kung di mo kaya panagutan kung ano ang mangyayari. Nasa huli ang pagsisisi.

Sa second level, eto lang, ugali. Hindi nakakatuwa na mas malakas pa yung boses mo sa lalaki pag nagkkwento ka, kahit babae pa kausap mo. Hindi rin maganda na bastos ka, as in walang manners. Parang wala kang pinag-aralan. Lalo na kung ang school mo yung pang bigtime at sikat. Tapos exclusive for girls. Kahit pareparehas kayong babae kailangan may manners. Pangit tignan lalo na sa pamilya mo. Mukhang pinalaki ka nila na wala silang pakealam. Eto mahalaga: pangit ang maraming ex. Tama. Hindi maganda tignan lalo na kung 14 ka pa lang!!! Di maganda pakinggan eh. Sa edad na yan dapat nag-aaral ka pa lang. Tapos sasabihin mo naka 7 na ex ka na?! Nahiya naman kami sa experience mo. Dahil sa 7 na ex mo, naglitawan din ang mga 7 sa card mo, nakakahiya. Eto pinakamahalaga sa lahat, dapat may alam ka. Nasabi ko na yan. Di bale na kung panglalaki yung alam mo o pambabae. Basta sa buhay mo, dapat may isa kang field na expert ka. Kunyari, mahilig ka sa music, maganda na yon. Pero dapat alam mo yung ginagawa mo, hindi yung basta basta mo nalang ginagawa. Best example kasi dito ay talino, pero di naman lahat ng tao matalino. Kaya nga dapat may bagay na expert ka talaga. Kunwari mga sapatos. Kung mahilig ka sa sapatos dapat alam mo lahat yun. Kahit mga Nike lang okaya Adidas. Okaya dapat alam mo rin ang history ng Air Jordans. Maganda kasi pakinggan kung may alam ka talaga eh, mukha kang matalino. Di bale nang bagsak ka sa card mo pero dapat lang talaga may ipagmamalaki ka sa ibang tao.

Hindi ko sinasabing kailangan mo to lahat. Eto lang kasi madalas pinapansin ng mga lalaki eh. Kung hindi sa looks, sa attitude. Ang babae ay babae. May mga katangian kayo na maganda at interesting para sa mga lalaki kaya may nagkakagusto sainyo. Hindi ko rin dinidikta kung pano ka dapat mabuhay. Ang post na ito ay para dun sa mga babaeng naguguluhan pag tungkol sa mga lalaking nagkakagusto sa kanila. Basta yun.

Tuesday, 9 April 2013

Ang init

Summer nga naman. Nakakainis. Sobrang init. Tapos sa pasukan naman, tag-ulan. Ang malas pa don, sa UST na ako mag-aaral. Mahirap pag tag-ulan tapos sa UST mag-aaral. Yan ang sabi nila.

Naisip mo na ba kung bakit kailangan tuloy tuloy ang pag-aaral? Isa ka ba sa mga batang sasabihin na "Ay, titigil muna ako ng isang taon. Pagod na ako, kailangan ko muna magpahinga sa pag-aaral." Kung ganyan ka mag-isip, mag-ingat ka. Medyo alanganin yang binabalak mo. Ang bawat paglipas ng oras ay mahalaga. Kaya nga may mga bagay na hindi ka dapat pinapalampas. Kasi kunwari, etong mga segundong nagsusulat ako, okaya sa mga segundong ginagamit mo habang binabasa mo to ngayon, hindi na yan mauulit. Segundo pa lang yan. Pano pa kaya pag minuto, oras, araw, linggo, buwan, taon? Pag may pinapalampas ka, nasasayang ang pagkakataon. Mag-isip kang mabuti.

Dito sa Pilipinas, malapit na ilabas ang K-12. Dagdag dalawang taon yan sa pag-aaral. Wala akong masyadong alam diyan pero ang alam ko lang, kung mahal ang tuition sa high school mo ng isang taon, isipin mo pag nadagdagan pa ng dalawang taon. Gastos nanaman? Tama. Aksaya sa pera? Hindi masyado. Depende kung ano ang ginagawa mo sa school. Nasa school ka para mag-aral, hindi makipaglandian. May tamang oras para diyan. Pero hangga't nasa school ka at may tinuturo sayo, sulitin mo yung pagkakataon. Nagbabayad ka eh tapos hahayaan mong wala kang matututunan. Tsaka kung tamad ka rin lang edi wag ka na pumasok. Wag ka kasing sumuko, kung kaya ng iba, kaya mo rin yan, tiwala lang.

Pagkatapos mo sa high school, college naman. Ngayon, pwede kang palipat lipat. Bahala ka. Iba iba rin naman ang tuition. Pero iba-iba din ang kalidad ng pagtuturo. Diyan ka mag-iingat. Tsaka kung palipat-lipat ka, matatagalan ka lang din. Mahirap talaga pag wala kang direksyon sa buhay. Baka kung san ka mapadpad, sayang ang mga perang ginastos mo, sayang ang mga panahong may nagawa ka sana, sayang ang buhay mo.

Ngayon sa Pilipinas, hindi porket nakapagtapos ka magkakaroon ka agad ng trabaho. Walang sureball na trabaho sa Pilipinas maliban nalang kung pinanganak kang nakasulat na kung ano ang gagawin mo sa buhay. Malaki rin kasi ang impact kung saan ka nag-aral. Hindi kasi pareparehas ang standards ng mga school at mga kompanyang pagtatrabahuhan mo. Di talaga sapat na nakapagtapos ka lang.

Ang pag-aaral ay hindi rin magtatapos sa college. At kahit maganda rin ang school na napagtapusan mo, di pa rin sigurado ang buhay mo. Nakatapos ka nga di ka naman kumikilos. Kung gusto mo umunlad, bawal ang tamad.

Sa mga pagdadaanan mo, may mga bagay na kung ginagawa mo dati, maaaring makatulong sayo sa kasalukuyan. Experience is the best teacher nga daw. May alam ka nga pero hindi mo pa nararanasan, alanganin pa rin. Sa college, marerealize natin na kung nagtino lang tayo nung high school, maganda sana yung Unibersidad na papasukan natin. Di lang yon, kung nasanay din tayong mag-aral ng mabuti nung high school o grade school tayo, maaaring madala natin yung habit hanggang sa college. Mainam, hindi ba? Sa paghahanap ng trabaho, kung natutunan lang natin kung pano maging independent nung nasa kolehiyo tayo, sana sanay ka na. Kahit sa high school dapat matutunan mo nang maging independent. Kung gusto mong mabigyan ng halaga yung buhay mo, ipakita mo kung bakit mahalaga ang buhay mo.

Kung ikaw yung taong masaya na sa buhay niya kahit petiks lang, masaya ka nga, pero may natutuwa ba para sayo? Isipin mo yung magulang mo, pinag-aral ka nila tapos ganyan ka lang pala. Tapos yung mga naging kaklase mong kinopyahan mo, dinaya mo, naghirap sila. At minsan, ikaw pa ang dahilan kung bakit sila naghirap sa mga panahong iyon. Kung gusto mo talagang makatulong, isipin mo rin yung iba, hindi lang dapat ikaw yung masaya. Wag ka na ring humingi ng utang na loob, mahiya ka naman, ikaw na nga yung may utang na loob eh.

Yun lang.

Tuesday, 2 April 2013

Hello

Natatawa ako kase di ko alam kung bakit may nagbabasa ng blog ko. Kasi naka-post sa internet? Hindi. Di ko lang kasi alam kung anong napapala niyo sa mga pinopost ko. Siguro wala ka lang magawa. Okaya napindot mo lang. Pero iba kasi yung feeling na nakikita mong may tumitingin sa blog mo at nakakaintriga. Hehe. Sana sa pagbabasa mo, may natututunan ka sa mga sinasabi ko. Di ko sinasabing may tinuturo ako pero sinasabi ko lang na sana may narerealize ka naman sa buhay mo. Tignan mo yung sakin, sabog sabog. May mga bagay nga kasing hindi natuturo ng eskwelahan kaya pahalagahan mo yung mga bagay at impormasyon na binibigay sayo ng ibang tao. Malay mo magamit mo yan. Kunyari sa pakikipagkaibigan. Sabihin mo opinyon mo tungkol sa nangyayari sa paligid mo. Magmumukha kang matalino. Hindi yung puro ka pagyayabang wala namang mapapala yung kausap mo sayo. O may naturo na ako. Ayos. Di ko rin talaga narerealize eh pero go lang. Pero bye na pala, sa susunod nalang ulit.

Anyare

May mga oras talagang bigla mo nalang naiisip kung ano bang meron sa buhay mo. Kung sulit pa ba to. Kung bakit ka pa nabubuhay. Bakit marami kang problema. Bakit yung iba parang walang ginagawa pero umuunlad pa rin yung buhay at nakakalusot pa rin sa mga problema.

Nakakainis. Minsan naiisip mong mali ka pala. Tapos di mo alam na mali pala yung ginagawa mo. Tapos hindi mo alam kung bakit mo nagawa yon. May mga bagay kang hindi alam na kailanman ay hindi tinuro sa paaralan. Pero bakit? Yung mga mahihirap na bagay ang madaling isipin. Pero yung mga bagay na madaling gawin, ang hirap isipin. Bakit ganun?

Tulad na lamang ng isang robot. Magandang ideya para sa mga thesis o investigatory project. Pero ang hirap naman gawin. Tapos may mga simpleng bagay na nasa harap mo na, di mo pa rin makita. Mahirap. Bakit ganun.

Bakit may mga bagay na mahirap paniwalaan? Bakit kailangan pa ng patunay para maniwala? Dahil sa iba-ibang ugali ng mga tao sa mundo? Eh bakit kasi hindi nalang tayo maging tapat at totoo sa mga sinasabi natin? Bakit kailangan nating manloko ng iba at sa ganoong paraan ay di natin nakikita na niloloko na rin natin ang ating sarili?

Bakit nga ba mahirap mabuhay ng normal?

Siguro dahil wala naman talagang normal na buhay. Kung iyong iisipin, patas lang talaga tayong lahat. Naghihirap. May mga tao lang talagang magaling magtago ng paghihirap at magaling humanap ng kasiyahan sa buhay nila. Hindi naman kasi lahat ng kasiyahan ay matututunan natin sa eskwelahan. May mga bagay na hinihiling kong sana tinuro nalang sa eskwelahan, sabagay at nandoon ka na rin, para naman yung mga simpleng bagay kaya na nating gawin. Siguro ang pagiging simple nalang ang magiging dahilan para mabuhay tayo ng "normal."