Summer nga naman. Nakakainis. Sobrang init. Tapos sa pasukan naman, tag-ulan. Ang malas pa don, sa UST na ako mag-aaral. Mahirap pag tag-ulan tapos sa UST mag-aaral. Yan ang sabi nila.
Naisip mo na ba kung bakit kailangan tuloy tuloy ang pag-aaral? Isa ka ba sa mga batang sasabihin na "Ay, titigil muna ako ng isang taon. Pagod na ako, kailangan ko muna magpahinga sa pag-aaral." Kung ganyan ka mag-isip, mag-ingat ka. Medyo alanganin yang binabalak mo. Ang bawat paglipas ng oras ay mahalaga. Kaya nga may mga bagay na hindi ka dapat pinapalampas. Kasi kunwari, etong mga segundong nagsusulat ako, okaya sa mga segundong ginagamit mo habang binabasa mo to ngayon, hindi na yan mauulit. Segundo pa lang yan. Pano pa kaya pag minuto, oras, araw, linggo, buwan, taon? Pag may pinapalampas ka, nasasayang ang pagkakataon. Mag-isip kang mabuti.
Dito sa Pilipinas, malapit na ilabas ang K-12. Dagdag dalawang taon yan sa pag-aaral. Wala akong masyadong alam diyan pero ang alam ko lang, kung mahal ang tuition sa high school mo ng isang taon, isipin mo pag nadagdagan pa ng dalawang taon. Gastos nanaman? Tama. Aksaya sa pera? Hindi masyado. Depende kung ano ang ginagawa mo sa school. Nasa school ka para mag-aral, hindi makipaglandian. May tamang oras para diyan. Pero hangga't nasa school ka at may tinuturo sayo, sulitin mo yung pagkakataon. Nagbabayad ka eh tapos hahayaan mong wala kang matututunan. Tsaka kung tamad ka rin lang edi wag ka na pumasok. Wag ka kasing sumuko, kung kaya ng iba, kaya mo rin yan, tiwala lang.
Pagkatapos mo sa high school, college naman. Ngayon, pwede kang palipat lipat. Bahala ka. Iba iba rin naman ang tuition. Pero iba-iba din ang kalidad ng pagtuturo. Diyan ka mag-iingat. Tsaka kung palipat-lipat ka, matatagalan ka lang din. Mahirap talaga pag wala kang direksyon sa buhay. Baka kung san ka mapadpad, sayang ang mga perang ginastos mo, sayang ang mga panahong may nagawa ka sana, sayang ang buhay mo.
Ngayon sa Pilipinas, hindi porket nakapagtapos ka magkakaroon ka agad ng trabaho. Walang sureball na trabaho sa Pilipinas maliban nalang kung pinanganak kang nakasulat na kung ano ang gagawin mo sa buhay. Malaki rin kasi ang impact kung saan ka nag-aral. Hindi kasi pareparehas ang standards ng mga school at mga kompanyang pagtatrabahuhan mo. Di talaga sapat na nakapagtapos ka lang.
Ang pag-aaral ay hindi rin magtatapos sa college. At kahit maganda rin ang school na napagtapusan mo, di pa rin sigurado ang buhay mo. Nakatapos ka nga di ka naman kumikilos. Kung gusto mo umunlad, bawal ang tamad.
Sa mga pagdadaanan mo, may mga bagay na kung ginagawa mo dati, maaaring makatulong sayo sa kasalukuyan. Experience is the best teacher nga daw. May alam ka nga pero hindi mo pa nararanasan, alanganin pa rin. Sa college, marerealize natin na kung nagtino lang tayo nung high school, maganda sana yung Unibersidad na papasukan natin. Di lang yon, kung nasanay din tayong mag-aral ng mabuti nung high school o grade school tayo, maaaring madala natin yung habit hanggang sa college. Mainam, hindi ba? Sa paghahanap ng trabaho, kung natutunan lang natin kung pano maging independent nung nasa kolehiyo tayo, sana sanay ka na. Kahit sa high school dapat matutunan mo nang maging independent. Kung gusto mong mabigyan ng halaga yung buhay mo, ipakita mo kung bakit mahalaga ang buhay mo.
Kung ikaw yung taong masaya na sa buhay niya kahit petiks lang, masaya ka nga, pero may natutuwa ba para sayo? Isipin mo yung magulang mo, pinag-aral ka nila tapos ganyan ka lang pala. Tapos yung mga naging kaklase mong kinopyahan mo, dinaya mo, naghirap sila. At minsan, ikaw pa ang dahilan kung bakit sila naghirap sa mga panahong iyon. Kung gusto mo talagang makatulong, isipin mo rin yung iba, hindi lang dapat ikaw yung masaya. Wag ka na ring humingi ng utang na loob, mahiya ka naman, ikaw na nga yung may utang na loob eh.
Yun lang.
No comments:
Post a Comment