Tuesday, 16 April 2013

Dalaw

Kung may monthly visit ang mga babae, meron din ang bahay namin. Monthly visit ng mga ipis.

Wala akong ginagayang author na may artikulo tungkol dito na mababasa sa itim na libro. Totoo kasi ang sinasabi ko. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagpapapansin ang mga ipis buwan buwan. Kung agresibo sila, may dalawa o tatlong nilalang ng demonyo ang dumadalaw samin sa isang linggo.

Para silang tao minsan eh. Lumilitaw kung kelan di mo inaasahan. Maaaring alam nilang hindi natin sila gusto pero pinipilit nilang maging parte ng buhay natin. Hindi mo naman sila hinihingi pero kusa silang dumarating. Pero may mga taong natatakot. Hindi nila alam ang gagawin. Takot silang masaktan at takot silang manakit. Kahit wala pa nga, ayaw na agad nila. Di pa nasusubukan, suko agad. Yan tayo eh.

Bakit nga ba may mga taong ayaw bumitaw sa nakasanayan? Mas maganda ba kapag playing safe tayo sa buhay? Mas mainam na nga ba kung dun tayo sa palaging sigurado? Eh pano tayo matututo? Pano tayo magkakaroon ng kaibigan kung hindi tayo kumakausap ng mga taong hindi natin kilala? Pano tayo makakadiskubre ng mga bagay na hindi pa natin alam?

Siguro ngang walang "tama" sa mundo. Walang tamang paraan ng pamumuhay. Walang tamang paraan ng pag-iisip. Walang tamang paraan sa lahat ng bagay na ginagawa natin. Siguro nga. Kasi kung mayroong tama, mayroon ding mali. At may mga bagay na sa paningin natin tama, mali sa ibang tao. Kung ganon, magkakaroon lang ng gulo. Wala naman kasing paniniwalang tama dahil paniniwala nga lang yon. Hindi naman porket naka-taga sa bato, paniniwalaan agad natin. May mga bagay talagang kailangan ng matibay na patunay para tayo ay maniwala at matuto. Nakakatawa nga lang na pag nag-aaral tayo, ang nakasulat na sa libro ay hindi pa tayo interesadong matuto at maniwala.

Balik tayo sa sitwasyon ko ngayon, may ipis sa kwarto, nakapatay ang ilaw. Bawas na ang lakas ng ipis pero hindi ko alam kung kaya niya pang lumipad o lumakad. Sana tamad din ang ipis at nahihirapan ngayon, tulad ng mga taong hindi interesado matuto. At sana sa pagbisita niya, bisita lamang ang gawin niya, hindi yung magiging bahagi na siya ng buhay ko ngayong hanggang sa katapusan. Sana'y maging ala-ala na lamang siya makalipas ang ilang oras o araw. Ang tapang mong ipis ka kahit galit ako sayo, wag kang mag-alala inaalay ko sayo itong post na to.

No comments:

Post a Comment